HEADLINE ARTICLES
Publication Date: 10-11-2006
 
   
 
 
 
 

AYOKONG MANOOD NG TV
Ni Alex J. Socorro



Ang telebisyon daw ang pinakamabisang elemento sa paghubog ng lipunan. Kahit na may cable TV na ngayon, kahit may mga pirated DVD na napakamura at napakadaling bilhin, kahit na may internet para makapag-chat, pangunahin pa rin ang local TV channels pagdating sa palipas-oras ng mga Pilipino. Tunay ngang naiwanan na ng telebisyon ang pelikulang Pilipino pagdating sa pakikipagniig sa masa.

Sa wika ng mga makata, ang telebisyon ay salamin ng buhay. Patotoo ng mga psychologists, kung ano ang nakikita sa telebisyon, asahan na ganun rin ang makikita sa lipunan. Marahil ay nararapat lamang na ang mga palabas sa telebisyon ay sensitibo sa lipunan lalo na sa tinatawag na primetime.

Kaya siguro payak ang pamumuhay noong panahon ng Oras Ng Ligaya ay dahil makatotohanan ang mga palabas sa telebisyon. Ang mga variety show sa katanghalian ay pawang mga payak din at ang tanging game show na namimigay ng premyo ay ang Kuwarta O Kahon ni Pepe Pimentel. Matatandaang walang ginawa si Tito Pepe kundi asarin ang kanyang biyenan at kung minsan ay paglaruan ang kanyang pagiging kalbo.

Sa pagdeklara ng Martial Law ay sumandaling nanahimik ang pamumuhay. Tila ba tanging Pulong-Pulong Sa Kaunlaran lamang ang nakatimo sa isipan ng mga mamamayan dahil yun lamang ang makikita sa kahit anong channel ng telebisyon tuwing bago maghapunan. Ngunit nanaig pa rin ang pag-unlad ng arkitektura ng telebisyon. Pinatunayan yan ng John en Marsha, ang sitcom ni Dolphy at Nida Blanca na walang ginawa kundi ang halukayin at ibulatlat ang totoong buhay ng mga Pilipino sa nakakatawang pamamaraan. Ayon nga sa mga banyaga, ang mga Pinoy daw ay likas na masayahin ngunit mahirap patawanin.

Sa araw-araw na pagbabangayan ng Anna Liza at Flor De Luna ay naging ma-drama ang mga Pinoy. Hindi ba’t sa panahong iyun ay “ma-te-arts” ang mga kabataan? Ang oo nila ay hindi at ang pag-iling pala ay pagkagusto. May mga nagsasabi tuloy na gumaya ang kapalaran sa kinasadlakang trahedya ng mga pangunahing artista ng Anna Liza gayun din ng Flor De Luna. Wala sa panahon ang pagpanaw ni Julie Vega (Darling Postigo sa tunay na buhay) at wala rin sa panahon ang pagdadalantao ni Janice De Belen.

Sa paglabas ng matagumpay na Marimar sa RPN-9 bago pumasok ang siglo ng 2000 ay naging masugid ang panggagaya ng malalaking TV stations. Naging palasak ang banyagang teledrama at halos mawalan ng trabaho ang ating mga artista.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay muling bumangon ang sariling atin. Masakit mang sabihin na nanggaya tayo, kahit paano ay naipaglaban ang sarili nating teledrama. Kaya nga lang, halos paulit-ulit na lang ang tema at pati mga artista ay sila’t sila rin. Nauso ang salitang “season” sa pagbilang ng itinatagal ng palabas (ang isang season ay katumbas ng 13 linggo sa ere).

Naging talamak na rin ang tinatawag na network war kaya ang balat ng ating mga kalahi ay naging batbat ng pulitika hindi sa anupaman kundi sanhi ng pingkian ng mga TV stations. Subliminal, sabi ng mga Amerikanong psychologists, ang pagbaon sa isipan ng mga manonood. Nitong mga huling panahon ay lalong tumingkad ang kulay ng gayahan sa mga programa sa telebisyon.

Ang mga variety shows sa katanghalian ay halos walang pagkakaiba dahil sa kanilang walang patumanggang gayahan at kopyahan. Palakihan ng premyo. Paramihan ng contestants. Pagalingan ng mga pakulo. Kanya-kanyang paraan kung paano akitin ang mga manonood. Dati-rating puro maaayos ang mukha at kasuotan ang makikita mo sa mga taong lumalabas sa telebisyon. Ngunit ngayon ay makakakita ka ng mga game contestants na naka-tsinelas, naka-shorts at kung minsan ay may nakasukbit pang tuwalya sa balikat. At matapos magtanong ang emcee kung ano ang hanapbuhay at kung ilan ang anak ay asahan nating may ilang patak na luha ang dadaloy. Sabi ulit ng iba, naki-ayon daw ang tadhana sa mga luhang pilit na pinadadaloy kaya nagkaroon ng disgrasya na ikinamatay ng 70 tao noong Pebrero 2006.

Sa umaga ay wala ring ipinagkaiba ang telebisyon. Sa pag-papaligsahan ng mga field reporters ay kulang na lang na lumikha sila ng kababalaghan upang magapi ang kalabang TV channel. Kanya-kanyang gimmick o istilo ng pagsasalita na kung minsan ay nagiging bakla na nga ang dating ng mga babaeng field reporters. At halos lahat ng klase ng mga tao ay na-interview na wala namang kakuwenta-kuwenta ang mga sinasabi.

Sa pag-imbulog ni Darna sa kalawakan ay animo nagulat pa siya nang kanyang mamataan ang pagkukumahog ng Kampanerang Kuba sa kalupaan. Hindi sila ang magkalaban sa istorya ngunit sila ang magkatunggali pagdating sa TV ratings. Yumabong ang mga engkanto at engkantada sa imahinasyon ng mga musmos na kaisipan. Ang isang tanging maganda sa mga pantasya ay ang pagsilang ni Krystala na kasabay ng pagsibol ng pagmamahalan ni Juday at ni Ryan sa totoong buhay.

Sa pag-eehersisyo ni Captain Barbell ay naging kapuna-puna ang panggagaya sa banyagang Superman. Ayon kay Dr. Eli Ventura, isang pediatrician, ay halata ang pagkakahango ni Captain Barbell, hindi lang sa katauhan kundi pati sa pamumuhay ni Superman. Ang akusasyon ni Dr. Ventura ay tumatayo sa 12 puntos na nalathala sa Manila Bulletin (sipi ng Aug. 19) – mula sa pinanggalingan ni Superman hanggang sa pamilyang kanyang nasumpungan at pati na sa kanyang mga pakikipaglaban. Kopyang-kopya daw, panggagalaiti ni Dr. Ventura, dahil animo estupido ang tingin ng mga writers sa mga nanonood ng TV.

Bilang kasapi ng SGP (Screenwriters Guild of the Philippines), naitanong ko tuloy sa aking sarili kung bakit ganun? At kapag sumubok kang pumasok na writer sa telebisyon ay iisa lang ang isasagot sa iyo – meron kaming pool of writers, na ang ibig sabihin ay marami silang writers. Totoong maraming writers ang mga TV stations ngunit bakit pare-pareho ang kanilang kaisipan? At ano bang klase ang mga writers sa TV ngayon? Hindi naman biro ang ibinabayad sa kanila (pinakamaliit na siguro ang 20,000 na bayad sa script para sa isang oras na palabas sa telebisyon).

Marahil, ang suliranin ay nag-uugat sa pagiging mag-asawa ng story at script. Ang story o kuwento ang pinakabuod ng anumang palabas. Ang script naman ay ang pamamaraan ng maayos at kaaya-ayang paglalahad ng story. Sabi nga ng mga batikang manunulat, “kung wala kang kuwento eh ano ang isusulat mo?”

Malaki ang pagkakaiba ng story writer sa script writer. Ang story writer ang nag-iimbento ng kuwentong kamangha-mangha, nakakaiyak, nakakatuwa o nakakaaliw. Ang scriptwriter naman ang sumusulat ng pag-agos ng kuwento upang lalong tumingkad ang kamangha-mangha, nakakaiyak, nakakatuwa at nakakaaliw na kuwento. Kaya kung hindi maganda ang kuwento ay walang magagawa ang scriptwriter kahit na mahusay pa siya. Kaya habang nananatiling mag-asawa ang story at script ay hindi uunlad ang ating mga palabas sa telebisyon.

Pagdating naman sa balita, lutang na lutang ang pagpapaligsahan ng dalawang malalaking TV channels. Magkasabay ng oras ang programa at magkapanabayan din ang mga commercials nila. At nagkukulay marumi ang labanan sa tuwing sasabihin ng newscaster ng isang TV station ang kanilang slogan – walang kinakampihan, walang kinikilingan, walang kasinungalingan… Bakit, ibig bang sabihin ay nagsisinungaling ang kabilang estasyon?

Kailan lang ay nag-reunion ang kinabibilangan kong batch 71 ng Paco Catholic School. Sa paaralang iyun, na pinatatakbo ng mga pari at mga madre, nahubog ang aking pag-uugali na hanggang ngayon ay iniingatan ko pa rin. Kaya ayokong manood ng TV.

Comments to this article can be sent to ajsocorro@yahoo.com

 

Data Code: 101106 | Volume 91. Article 3
 
 
 
 
 
     
 
 
     
Copyright © 2004 by Film Academy of the Philippines (FAP). All Rights Reserved