HEADLINE ARTICLES
Publication Date: 10-18-2006
 
   
 
 
 
 

TFC SUBSCRIBERs-- APEKTADO SA PROBLEMA NI WILLIE
Ni Pablo R. Libiran


Marami ang nagsasabi na kapag ang isang tao ay mapagpatawa, kadalasan ay iba ang nagiging buhay na ginagalawan nito sa kanyang pamilya o sa mga taong malalapit at mga kaanak niya. Halimbawa, katulad ni Arnel Ignacio na isang magaling na TV host at magaling ring magpatawa. Gayon din sina Bert Marcelo, Babalu at Metring David at iba pa. Taliwas sa mga nakikita natin.sa telebisyon o pelikula ang nagiging buhay nila.
At ang isa rin sa mga napabilang sa talaan ng mga mahuhusay na host at mapagpatawa ay si Willie Revillame na hanggang sa kasalukuyan ay dumadanas ng napakalaking problema sa babaeng napang-asawa na si Liz Almoro. Idinemanda siya ng asawa at ibig ipag-walang-bisa ang naging kasal nila.

Matatandaan na mahigit pa lamang isang taon at kalahati ang pagsasama nila. Na noong ikasal sila ay talaga namang engrande at maraming kilalang personalidad ang naging ninong at ninang.

Ang akala ng marami ay wala nang magiging problema si Willie, biniyayaan pa ng gwapo at cute na baby. Subalit bigla-bigla, sumabog ang balita. Nagkaroon ng malaking problema siWillie sa kanyang asawa.

Maging ang tahanan nila na binili at hanggang ngayon ay hinuhulugan pa ni Willie ay winalan siya ng karapatan na tumira doon. Ang naturang tahanan ay nasa A. Luna St., Ayala Heights, Quezon City. Kahit gabi na ay dinala pa rin ang TPO (Temporary Protection Order) na ipinalabas ni Judge Elsa de Guzman ng RTC Branch 89.

Sa naturang kautusan, obligadong umalis siWillie sa tahanan at tanggalin ang lahat ng kanyang gamit.kaya naman kahit gabi ay tinawagan niya ang ilan sa malalapit na kaibigan upang hakutin ang kanyang gamit.

Dahil sa nangyaring iyon kay Willie, maging ang programang Wowowie ay naapektuhan rin. Sa panonood naming, parang nawala ang sigla, lalu’t ilang araw din wala si Willie. Ang co-host lang niya ang pumalit at pilit na pilit ang pagpapatawa.

Hindi rin nakapaglibot siWillie sa programa gaya ng nakagawian na siya ang nag- iinterview sa TFC Subscribers na dumadalaw dito sa ating bansa at nagiging guest sa naturang programa. Kaya may mga nagpahayag ng pagkaawa at simpatiya kay Willie.

“Kawawa naman si Willie”, pahayag ni Mang Eddie na taga-San Diego, California. “Bukod pala sa idinimanda siya ng asawa ay pinalayas pa siya sa bahay nila na binabayaran niya. Mahirap talagang mapangasawa ng isang taga-showbiz ang isang hindi artista. Hindi mauunawaan ang buhay na gagalawan niya.”

“Isa ako sa mga taga-hanga ni Willie Revillame,” sabi naman ni Mrs. Flordeliza Lao ng South San Francisco, California. “Natutuwa ako pag nagho-host siya. Alive na alive. Masayang-masaya. Kaya naman ganon na lang ang kalungkutan ko sa nalaman kong naging problema nilang mag-asawa. Talagang mahirap na madalian ang pagpapakasal nila. Hindi muna nila nakilala ang isa’t-isa bago sila lumagay sa estado ng pag-aasawa.” ang pahayag pa niya.

“Kapag daw ang isang bagay ay madaling nakuha ay madali ring nawawala” ang sabi naman ni G. Rico Galvez ng Ontario, Canada. “Ganito ang nangyari kila Willie at Liz. Naging madali ang kanilang pagkikilala. At naging mabilis ang kanilang pagpapakasal na ang una ay naganap sa Lipa City sa tanggapan ni Mayor Vilma Santos at ang pangalawa ay naganap noon sa Sanctuario de San Antonio sa Forbes Park noong June 7. Masyadong maikli rin ang panahon ng kanilang pagsasama na biniyayaan ng isang anak na lalake, si Juan Emmanuel. Naging maikli rin ang pagpapasensya ng kanyang napangasawa, kaya hayun naghiwalay sila” ang naging pag-bibiro pa niya.

“Magkaiba ang mundo nila” ang sabi naman ni G. Mark Antonio ng Las Vegas, Nevada. “Kilala at popular si Willie. Kahit saan ay hinahangaan siya ng fans. At kung minsan, pag nakita siya ay agad na may hahalik at yayakap sa kanya. Kaya naman hayun at kung hindi malawak ang pagpasensya ng asawa niya, tiyak na maghihiwalay sila. Sayang at maganda pa naman ang simula nila.”

“Ngayong hiwalay na sina Willie at Liz, mas magiging malaki ang tsansa ko na mapalapit kay Willie,” ang natatawang biro naman ni Karen ng Chiba-Ken, Japan. Mas dadalasan ko ang pag-uwi sa Pilipinas para lagi akong makapunta sa Wowowie ni Willie Revillame. At kung ako ang mapapansin niya at mapag-uukulan ng pagmamahal, ipinapangako ko na hindi ako magseselos kahit halikan pa siya ng fans. At pangako, hindi mangyayari sa amin iyong palalayasin ko siya sa aming bahay. Kung aalis siya…tiyak na sasama ako.” ang sabi pa niya.

Nakakatuwa at nakakalungkot ang simpatiya ng mga TFC Subscribers sa nangyari kay Willie Revillame. Sana raw ay malagpasan na niWillie ang kalbaryong nangyayari ngayon sa kanya upang manumbalik ang dating sigla at saya niya sa kanilang programang Wowowie na paboritong puntahan ng kababayang balikbayan.

 

 

Data Code: 101806 | Volume 92. Article 4
 
 
 
 
 
     
 
 
     
Copyright © 2004 by Film Academy of the Philippines (FAP). All Rights Reserved