b
   
 
 
 
HEADLINE ARTICLES
Publication Date: 10-25-2006
 
   
 
 
 
 

MARIA CLARA AWARDS, MULING BINUHAY
Ni Pablo L. Libiran

Isang simple, subalit napakahalagang pagdiriwang ang naganap noong nakaraang Biyernes, ika-13 ng Oktubre, nang muling buhayin ang Maria Clara Awards na unang naging pangalan ng FAMAS (Filipino Academy Movie Arts & Sciences). Naging panauhin ang mga kinikilalang personalidad sa show business na gaya ni G. Leo G. Martinez, Director-General ng FAP, Mrs. Cecile Guidote Alvarez, Dr. Alejandro Roces, Don Manoling Morato, Donna Villa, Carlo Caparas, Ricky Lee at ang Direktor ng NBI na si Si G. Nestor Mantaring. Gayundin sina G. Rey Mabasa, pangulo ng NPC. Ito ay ginanap sa Golden Fortune Restaurant na nasa T.M Kalaw, Manila.

Bagamat marami ang nabigla kung bakit naka-55 taong paggagawad na ng parangal ang Maria Clara Awards, naunawaan din ng nagsidalong panauhin at mga miyembro ng movie press na bago nabigyan ng pangalang FAMAS ang pinakamatagal na award-giving body, Maria Clara muna ang pangalan nito noong 1950. Ang nagbigay ng pangalang ito ay si Dr. Alejandro Roces na dating kalihim ng edukasyon at miyembro rin nito.

Nakuha ng Star CinemaINEMA ang mga major awards na gaya ng Best Actress na pinagwagihan ni Claudine Baretto. Best Actor ang napanaluhan ni Aga Muhlach at Best Supporting Actor naman ang kay John Loyd Cruz sa pelikulang Dubai. Si Hilda Koronel naman ang nakakuha ng Best Supporting Actress sa mahusay niyang pagkakaganap sa Nasaan ka Man. Ang Blue Moon ang Best Picture at si Joel Lamangan ang nagwaging Best Director.

Bagamat hindi nakarating ang mga bituing nagkamit ng major awards, nagpahayag naman ang mga ito ng kasiyahan sa pabibigay sa kanila ng parangal.At sinabi nilang ang nagbigay sa kanila ng awards ay ang mga orihinal na miyembro ng FAMAS.

Nang kapanayamin naming si Col. Jimmy Tiu na siyang pangulo ng FAMAS, sinabi nito na mas ninais nilang gawing simple na lamang ang pagbibigay ng parangal hanggat hindi pa natatapos ang nakabimbing usapin ng FAMAS sa Court of Appeals.

“Kung sakaling maayos na ang problema namin, sa pagbibigay naming ng parangal sa susunod na taon ay ibibigay namin ang kanilang tropeo. Ayaw lang naming mabakante ang pagbibigay ng parangal ng FAMAS. Kayat pag naayos na ang lahat ay ipagkakaloob naming ang mga karapat-dapat na awards sa kanila,” ang sabi pa niya.

Matatandaan na nagkaroon ng problema ang FAMAS sa dating pangulo nito na si Art Padua na ayaw nang umalis sa pwesto. Samantalang nang magdaos ng halalan noong Hulyo 25, 2005, si Col. Jimmy Tiu na ang napagkaisahan at nahalal bilang bagong pangulo ng FAMAS.

Sa hindi inaasahang pangyayari sa kapabayaan ng dating pangulo, na-revoked ang permiso ng FAMAS sa Security and Exchange Commission. Para maayos iyon ay binayaran lahat ni Col. Tiu ang mga bayarin pati na ang business permit. Subalit nag-protesta si G. Padua at sinabing siya ang mas may higit na karapatan na maging pangulo ng samahan.

Maraming paghaharap na naganap sa korte, at noong July 15, nakatakda sanang magdaos ng Gabi ng Parangal ang FAMAS ang grupo ni G. Padua. Subalit nakakuha ng TRO ang grupo ni Tiu at napigil ang gaganaping parangal sa UP Theater.

Sa kabilang dako, tumanggap naman ng Star of the Night ang bituing si Donya Villa nang gabing iyon ay talaga namang kumikinang ang kasuotan. Naging host naman sina Rey Langit at Cecile Guidote Alvarez na tumanggap pareho ng Best Costume Award.

Bukod sa kanila, nagkaroon rin ng award si Don Manoling Morato dahil na rin sa napakalaki niyang nai-ambag sa industriya ng pelikulang Pilipino para mapigil ang pagpapalabas ng mga pelikulang panay hubaran lamang.

Binigyan din ng parangal si Dr. Alejandro Roces dahil din sa napakalaki niyang nai-ambag sa industriya ng pelikulang Pilipino na gaya ng nabanggit naming ay siya ang ama at nagbigay ng pangalan ng Maria Clara Awards..

Bagamat may positibo at negationg komento ukol sa biglaang pag-bibigay ng Maria Clara Awards, sinasabi naman ng mas nakararami na mas pabor ito sa grupo ni Col. Tiu dahil maaaring hindi na magbalak pang magbigay ng award ang grupo ni Art Padua.

“Kung magbibigay uli siya ng award o gagamitin niya ang FAMAS Awards, ipa-file ulit namin ang TRO para hindi matuloy ang pagbibigay ng parangal. Kahit sino sa amin ay hindi pwedeng gamitin ang FAMAS hanggang hindi pa ito nabibigyan ng desisyon ng Court of Appeals kung sino ang dapat manatili sa FAMAS,” ang pagwawakas na pahayag ni Col Jimmy Tiu sa amin.

Ipina-aabot ni Col. Jimmy Tiu ang pasasalamat sa lahat ng reporters at mga panauhin sa pagdaraos ng ika 55-Maria Clara Awards.


 

Data Code: 102506 | Volume 93. Article 2
 
 
 
 
     
 
 
     
Copyright © 2004 by Film Academy of the Philippines (FAP). All Rights Reserved