b
   
 
 
 
HEADLINE ARTICLES
Publication Date: 11-29-2006
 
   
 
 
 
 

MGA PATAAS AT PABABA 2
By Tess Clarin

On the average, napakahirap ng hagdanan patungo sa kasikatan pero mas mahirap ma-maintain ang kasikatan. At karamihan ng sumikat na artista ay nagdaan sa katakot-takot na hirap kaya nakakahinayang kung bigla ang pagkalaos.

Take for instance si Julia Clarete. Hindi naman biro ang pathway to stardom na dinaanan niya. After a series of TV guesting and bit roles, kinuha si Julia sa Eat Bulaga as one of the hosts. Dahil matindi talaga ang Eat Bulaga sa pagpapasikat ng talent, naging sikat nga si Julia kahit paano. Sumali pa siya sa Hollywood Idol search ng ABC-5 kaya lalong nahasa ang galing ni Julia. At hindi pa dun nagtapos ang success ng bata dahil nabigyan pa siya ng break para mag-record ng isang album. In short, na-recognize talaga ang skills and talents ni Julia.

Kaya nga lang lately ay sumabit si Julia sa ngalan ng pag-ibig. Bigla siyang naglahong parang bula because of undue pregnancy. Nabuntis nga at para siguro maging controversial kaya ayaw i-reveal kung sino ang may kagagawan. Anyway, lubog na ang bituin ni Julia ngayon at hindi natin alam kung kaya pa niyang bumangon.

Parang sinundan ni Julia ang mga footsteps ni Janice De Belen noong araw. Masakit isipin na sa kasikatan ni Janice ay masisira siya sa ngalan ng pag-ibig. That was long ago and now nakita natin na hindi na talaga nakabawi si Janice.

Mula pa rin sa Eat Bulaga ay soaring to greater heights ang star ni Jericho Rosales. Nakipagbanggaan ang Mr. Pogi sa mga kapuwa niya aspiring male stars. Hindi naman siya nabigo dahil unti-unti ay umangat siya hanggang lumutang pa nga. Lumalabas na siya na ang pinakasikat sa kanyang batch na kasama si Rico Yan, Marvin Agustin, Diether Ocampo atbp.

JERICHO ROSALES

Sikat sa TV si Jericho at lalong sikat siya sa movies. Nakakapagtaka tuloy kung bakit nag-flop ang latest movie niya na bio film ni Manny Pacquiao. Kung tutuusin ay sikat din si Manny kaya talagang nakakapagtaka. Ang pagkalugi ng nasabing bio-film ay nagbigay ng heartache kay Jericho kaya he decided to quit the TV and movies for now. Magko-concentrate na lang daw muna siya sa singing career. Pero may singing career ba siya talaga?

Kaiba sa kaso ni Julia, madaling makabangon si Jericho. Pero dapat piliin ang kanyang project dahil oras na sumabit ulit siya ay baka wala na siyang paglagyan. Merong nagsasabi na si Heart Evangelista ang malas kay Jericho. Hindi man totoo ang malas ay maaaring si Heart nga ang dahilan. May mga fans na ayaw magkaroon ng real-life sweetheart ang kanilang idol. At dahil karapat-dapat si Heart, sabi nga perfect combination sila ni Jericho, kaya maraming naiinggit.

Sa music scene ay nabingi tayo sa rap na Stupid Love courtesy of Salbakuta. Magaling ang gimmick ni Andrew E, ang manager ng nasabing grupo. Kahit walang binatbat ang mga hitsura nila na akala mo mga basurero o tambay sa kanto ay naka-akyat sila sa hagdan ng tagumpay. Big hit ang ilang album nila. Ang dahilan? Binugbog ng mga rap nila ang tenga ng mga tao, sa radyo o kahit saang mall na may record bar. Malaking puhunan ang pinakawalan nila para lang makilala. At merong nagsasabi na hindi kumita ang mga album ng Salbakuta dahil lugi pa sila sa promotion.

Pero kung ang pagsikat ang pag-uusapan, sumikat nga ang Salbakuta. Pero paglubog nila ay nakalimutan na sila ng tao at sa palagay ko ay hindi na nila maibabalik ang hiram na kasikatan. Ang dahilan? Walang kuwenta ang kanilang produkto. Natuwa lang siguro ang mga tao sa kabaguhan ng rap nila dahil bagong style. Pero hindi naman nagtagal at natauhan din ang mga tao.

Pareho ng kaso ni Lito Camo. Spagheting pataas siya tapos spagheting pababa. Gaya ng Salbakuta, pinatunayan ni Lito na kahit basura ang kanta ay puwedeng pasikatin kahit sandali lang. Kaya nga sinamantala niya ang kasikatan, panay ang labas ng mga kanta. Mula sa sexbomb ay nakiambos na ang ilang singers gaya ni K Brosas sa kantang Sasakyan Kita. Again, limot na ng tao ang mga novelty songs dahil madaling lumipas ang mga kantang walang laman.

And speaking of spagheti, ganun din ang nangyari sa Sex Bomb Girls. Matapos pumailanlang nang halos walang katapusan ang kanilang mga album ay bigla silang sinibak sa Eat Bulaga. Admittedly hindi pa totoong lubog ang Sex Bomb dahil may TV drama pa sila sa hapon. Pero malapit na silang makalimutan ng mga TV viewers dahil sa pagsulpot ng EB Babes. Choice cut ang EB Babes dahil mabigat ang audition at pati ang training.

Hindi gaya ng mga artista, ang mga newscaster ay nakatuntong, hindi lang sa kanilang charisma kundi sa husay ng kanilang pagre-report. Yan ang sinakyan ni Loren Legarda para maging senador. Si Ted Failon ay naging congressman naman sa tulong din ng kanyang pagiging broadcaster. Si Kabayan Noli De Castro ay naging vice president dahil sa kanyang news reporting at sa Magandang Gabi Bayan. Tuwing election period ay makikita sa bandang itaas ng survey ang pangalan ni Korina Sanchez. Ngunit matibay ang prinsipyo ni Korina dahil ni minsan ay hindi sumagi sa isipan niya ang kumandidato sa anumang posisyon. Ganun din si Mike Enriquez, kuntento na siya sa pagiging broadcaster.

Pagkatapos ng isang term bilang congressman ay nagbalik si Ted Failon sa radyo. Tumaas ang rating ng kanilang program ni Korina sa DZMM. Nakita raw niya kung gaano kadumi ang pulitika kaya ayaw na niya. Pero sa radyo ay walang kahirap-hirap ang muling pagsikat ni Ted Failon. Gaya ng sabi ko, ang kasikatan ng broadcaster ay dahil sa kanilang galing at husay.

Noon ay sikat na singer si Agot Isidro. Lalo pa siyang sumikat nang mapunta sa TV at naging partner ni Aga Muhlach sa Oki-doki-Dok. Ilang taon din ang sitcom at dahil leading lady ang papel ni Agot doon kaya hindi biro ang naging kasikatan niya. Nang mag-asawa ay nawala si Agot sa eksena. Pero ngayon ay eto na naman siya. Umpisa ulit sa pagkanta. Pero dahil Bossa Nova tune ang type niyang music kaya malamang na hindi siya makaangat.

Ang isang magaling na artistang nawawala ay si Nova Villa. Matapos maging bida at bago mabaon sa pagkalaos ay nag-iba ng style si Nova. Sabi nga, she reinvented herself. Naging comedian si Nova at nag-click siya agad sa Chicks to Chicks. Isa si Nova sa natatanging comedian na dati nang bida. Sa pagkawala ng Chicks To Chicks ay nanatili si Nova sa eksena sa pamamagitan ng Home Along D Riles. Si Dolphy ang ka-love team niya kaya there’s no doubt na mahirap siyang bumagsak. Pero may katapusan din dahil nawala sa TV ang Home Along D Riles at nawala na rin si Nova. Sa huling balita ay nasa Tagaytay siya at namamahinga sa kanyang rest house.

Sa pagkawala ni Nova ay parang pinalitan siya ni Susan Roces sa piling ni Dolphy. Hindi man love team ang kanilang setup ay parang ganun na rin yun dahil sila ang nagbabatuhan ng jokes. Pumatok sa ratings ang unang episode nun pero nalaglag na rin lately dahil siguro nagsawa ang tao. But definitely hindi kay Susan nagsawa ang tao dahil alam naman natin na sa dami ng fans ni Susan ay mahirap siyang malaos. Isa na si Tita Cory Aquino sa mga loyal fans niya.

Lastly, the ever durable Dolphy may stay on top until his very end. Mukhang kamatayan lamang ang magpapahinto sa kasikatan ni Dolphy. Bukod sa galing niya sa acting at sa husay magpatawa, napakabait ni Dolphy sa kayang pamilya, sa mga kaibigan at pati na sa mga taong hindi niya kilala. Noted si Dolphy sa pagiging matulungin kaya siguro nagtagal siya ng husto sa showbiz. Ang pakikisama ay napaka-importante lalo na sa mga maliliit na taong tulad ng mga P.A. at utility. Kaya doble-hanga ang mga tao kay Dolphy dahil sa galing ng kanyang pakikisama.

Marami pang sisikat at marami din ang malalaos. Sana meron tayong isang grupo na magdo-document ng mga photos at bio data ng mga artistang nagsusulputan para sa pagdating ng araw ay maipapaalam natin sa mga bata kung sino-sino ang mga mukha sa ating TV at sa movies.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.



 

Data Code: 112906 | Volume 98. Article 2
 
 
 
 
     
 
 
     
Copyright © 2004 by Film Academy of the Philippines (FAP). All Rights Reserved