FAMAS:
HINDI PA TAPOS ANG GULO
Ni Pablo Reyna Libiran
Screenwriters’ Guild of the Philippines
Sa wari ay
hindi pa rin matatapos ang gulo sa samahang
Filipino Academy of Movie Arts and Sciences
hangga’t hindi magdedesisyon ang
Court of Appeals kung sino ang talagang
dapat mamuno sa samahang ito. Ang grupo
ni Col. Jimmy Tiu o ang grupo ni G. Arturo
Padua na nag-angkin na siya raw ang may
higit na karapatan.
Kung natatandaan pa ninyo,
nagsimula ang gulong ito noong magdeklara
si G. Art Padua na pasususugan niya ang
Saligang Batas ng FAMAS para magkaroon
siya ng extension sa panunungkulan. Natapos
na ang kanyang dalawang-taong termino
noong nakaraang Hunyo 30, 2005 kung kaya
ipinasiya ng mga miyembro at mga opisyales
na magdaos ng halalan noong Hunyo 25,
2005.
Sa naturang eleksiyon, ang
nagwagi ay si Col. Jimmy Tui. Subali’t
ayaw itong kilalanin ni G. Padua dahil
siya raw ang dapat tumawag ng eleksiyon
at siya pa rin ang uupong pangulo ng FAMAS
dahil nagkaroon ng extension ang kanyang
panunungkulan. Pinaboto ni G. Padua ang
ilan sa mga dating miyembro at ang mga
bagong recruit niyang mga associate member.
At para mapigilan ang panunungkulan
ng grupo ni Col. Tiu, nagharap ng demanda
sa Court of First Instance ng Maynila.
Subali’t dahil hindi naasikaso nito
at hindi makakuha ng katibayan si G. Padua
para mapatunayan na may higit siyang karapatan
sa pamumuno ng samahan.
Nagkaroon ng pagdinig sa
korte at pagkaraan ay ipinasa iyon sa
Securiy and Exchange Commission para desisyunan
ang naturang usapin. Pero hindi rin naayos
at napagkasundo ang dalawang grupo kung
kaya’t muli itong ibinalik sa Corporate
Court na siya raw may jurisdiction sa
naturang usapin. Hindi rin ito nabigyan
na paborableng desisyon sa panig ni Col.
Tiu.
Habang dinidinig sa korte
ang usapin, nagbalak si G. Padua at ang
kanyang mga kasamahan na magdaos ng annual
FAMAS Awards noong nakaraang Hulyo 15,
2006 sa U.P. Film Center. Subali’t
nakakuha ang grupo ni Col. Tiu ng TRO
(temporary restraining order) para mapigilan
ito. Ang TRO ay nagmula sa RTC ng Maynila.
Upang hindi mabakante sa
taong ito ang pagbibigay ng FAMAS ng parangal
sa mga mahuhusay na director, artista
at mga talinong gumaganap sa paggawa ng
pelikula, nagdaos ng awards night ang
grupo ni Col. Tiu sa Golden Fortune Restaurant
noong Oktubre 13, 2006 at ang ginamit
nilang pangalan ay 55th Annual Maria Clara
Awards na siyang unang pangalan ng Famas
Naging maganda rin ang pagtanggap
ng publiko at ng mga taga-show business
sa award giving body na ito na tinaguriang
Maria Clara Awards. Katunayan, ang pagtitipon
ay dinaluhan ni Dr. Alejandro Roces na
siyang nagbigay ng pangalan sa naturang
awards, bago pa ito naging FAMAS awards.
Naging panauhin din sa naturang
pagpaparangal sina G. Leo Martinez, director
general ng Film Academy of the Philippines.
Gayon din si Mrs. Cecille Guidote-Alvarez
na chairperson ng NCCA (National Commission
for Culture and the Arts) na siyang naging
host kasama si Rey Langit. Dumalo rin
sa naturang okasyon si Don Manoling Morato
na tumanggap ng award.
Nagbigay ningning din ang
pagdalo ni Carlo J. Caparas, kasama si
Donna Villa. Gayon din sina Atty. Nestor
Mantaring na director ng NBI at G. Pablo
S. Gomez na pangulo ng Screenwriters’
Guild of the Philippines. Naroroon din
si G. Roy Mabasa na pangulo ng National
Press Club.
Bagamat nagpalabas ng Restraining
Order ang SEC na hindi pwedeng gamitin
ng alin mang grupo ang pangalang FAMAS
Awards, noon nakaraang buwan ay itinuloy
rin nina G. Art Padua at mga kasamahan
ang pagpaparangal sa mga artista at director
ng pelikula at ang ginamit nila ay ang
Annual FAMAS Awards.
Ang naturang pagpaparangal
ay itinanghal sa studio ng Channel 4 at
ito’y ipinalabas sa programa ni
Undersecretary Robert Rivera sa Pilipinas
Ngayon upang hindi ma-TRO. May dalawang
oras ang itinagal ng pagtatanghal noon.
Hanggang sinusulat namin
ang balitang ito ay wala pang desisyon
ang Court of Appeals kung sino sa grupo
nina Col. Jimmy Tiu at G. Art Padua ang
dapat mamuno sa pinakamatagal nang samahan
na nagbibigay ng parangal sa industriya
ng pelikuang Pilipino.
Subali’t nang kausapin
ni Col.Tiu ang abogado ng SEC na may hawak
sa kaso ng samahang ito ay tinanong siya
ng naturang abogado kung sino ang naunang
nag-file ng request para ma-lift ang revocation
ng permit ng FAMAS. Sinabi ni Col. Tiu
na ang grupo niya ang nauna at nagbayad
ng lahat ng penalty ng FAMAS sa SEC.
Maging ang business permit
sa Maynila ay nakuha at nabayaran na rin
ng grupo ni Col. Tiu kaya wala na sigurog
dahilan pa para hindi kilalanin ang grupo
ng mga tunay na miyembro at opisyales
ng samahang ito—ang grupo ni Col.Jimmy
Tiu.