MGA ARTISTA
SA KARERAHAN
Ni Tess Clarin
Isang araw sa Santa
Ana race track sa Makati, mga late
1960s ay may dalawang artista ang
nanonood ng karera. Ang nanalong kabayo
ay super dehado, meaning kokonti ang
tumaya kaya malaki ang bigay na dividend
– P14,000 sa bawat pisong taya.
Isang artista ang nanalo at dahil
sa sobrang katuwaan ay inatake sa
puso na naging dahilan ng kanyang
pagkamatay. Parang kuwento sa komiks
ang nangyari kay Efren Reyes, ang
sikat na artistang ama ni Efren Reyes,
Jr. Kasama ni Efren si Leroy Salvador
sa loob ng racetrack nang mga oras
na yun. Ang kabayong Tiger Lily ang
nagdulot ng malaking premyo na kakambal
ng trahedya.
Contrary to common knowledge
na pagsusugal ang horse racing, ang
karera ng kabayo ay itinuturing na
isang sport. Actually ang slogan ng
Santa Ana racetrack ay “Sport
of the Kings” at ang sa San
Lazaro naman ay “King of Sports.”
Katunayan, sa England ay tinitingala
ang horse racing dahil ang number
one aficionado nila ay si Queen Elizabeth.
Noong July 1986, idinaos ng Martes
ang kasal ni Prince Andrew at Sarah
Fergusson upang hindi makaabala sa
weekend racing! Sa Dubai naman, ang
tinatawag na King’s Cup na pakarera
ng Emir nila ay may premyong 1 million
dollars.
Sa local scene, ang
sport na horse racing ang common denominator
nina Fernando Poe Jr, Vic Diaz, Armando
Goyena, at marami pang ibang artista
na katulad ni Efren Reyes ay sobra
ang pagkahilig sa kabayo at karera.
Hindi biro ang pag-aalaga ng kabayo
dahil sa malaking gastos mula sa pagkain
ng kabayo, renta sa kuwadra, suweldo
ng trainer, bayad sa sota, bayad sa
practice jockey at suweldo ng jockey.
Ngunit sulit naman ang mahigit P10,000
monthly expenses dahil ang premyo
kapag nanalo ay umaabot ng P130,000
kung regular na karera at may mga
special races na nagbibigay ng premyong
P1 milyon o higit pa!
Mga kabayong mola (imported
thoroughbred) ang pambato ng kuwadra
ni Fernando Poe, Jr. na pinamahalaan
ni Boying Guerra, isang dating magaling
na hinete. Karamihan sa mga kabayo
ni FPJ ay hango sa pangalan ng anak
niyang si Grace gaya ng Graceful
Lady at My Lady Grace.
Kadalasan ay llamado ang kabayo ni
FPJ pag nanalo, ibig sabihin ay maraming
tumaya sa kabayo niya kaya kapag nanalo
ay maliit lang ang dividend. Hindi
kasi nagkakait si FPJ sa mga taong
nagtatanong kung may pag-asang manalo
ang kabayo niya o wala. Balitang very
generous sa kanyang mga tauhan si
Da King, mula sa trainer, jockey at
pati sa sota. Katunayan, nang mamatay
si FPJ ay ipinamana niya sa kanyang
trainer na si Boying Guerra ang ilan
sa kabayo niya. Bukod doon, si Boying
daw ay nakatira ngayon sa Beverly
Hills sa Antipolo, courtesy of Da
King.
Leroy
Salvador
Dating Councilor ng
Makati si Leroy Salvador na halos
araw-araw ay nasa kuwadra upang tingnan
ang kanyang mga kabayong pangarera.
Gaya ni FPJ, si Leroy ay meron ding
trademark sa pangalan ng mga kabayo
niya gaya ng Advance Guard,
Advance Soldier,
Advance Leader, Advance
News atbp. Ngunit kabaligtaran
ni FPJ, ang mga kabayo ni Leroy ay
madalas manalo ng dehado, ibig sabihin
kokonti ang nakataya. Sabi ng mga
karerista, si Leroy ay laging present
sa school (karerahan) at isang beses
lang siyang nag-absent noong early
1970s, nang araw na mamatay ang nanay
niya. Dahil sa pagluluksa ay ipinabura
ni Leroy sa programa ang lahat ng
kabayo niyang tatakbo sana nung Sabadong
yun.
Si Jockey Tito ay nag-retire
sa pagiging hinete pero muling sumakay
ilang taon bago siya namatay. Tulad
ni Leroy, dating councilor ng Makati
si Jockey Tito na mas kilala sa screen
name niyang Chiquito. Ang pangalan
ng mga kabayo ni Chiquito ay may kakabit
na Vilma, sunod sa pangalan ng asawa
niya. Mismong si Chiquito ang sumasakay
kina Vilma’s Pet,
Vilma’s Choice
at Vilma’s Idol.
Isang insidente ang nangyari nang
mahulog siya sa kabayo bago dumating
sa finish line. Dahil walang premyo
ang kabayong walang hinete pagsapit
sa finish line, pinilit ni Chiquito
na kumapit sa kabayo at natuluyang
mahulog after the finish line na.
In other words, naipanalo pa rin niya
ang kabayong sinakyan at nakakuha
ng premyo.

Vic
Diaz
Bukod sa pagiging horseowner
ay horse trainer din si Vic Diaz,
ang dating bantog na character actor.
Kadalasan kung manalo ang mga kabayo
ni Vic ay laging dehado, ibig sabihin
ay kokonti ang tumaya o hindi paborito
ng mga mananaya. Paborito ni Vic Diaz
ang going against the tide, ito yung
sinasabing mananalo ang kabayo niya
na hindi sukat akalain. Ang Sigaw
Sa Langit at Dawn
of T ang dalawang kabayo
niya na madalas manalo nang walang
nakakaalam.

Si Mang Pinggoy ay marami
ring pag-aaring kabayo na nakarehistro
sa pangalang Tirso Rivilla. Popularly
known as Armando Goyena, napakahilig
rin niya sa karera at madalas siyang
makita ng mga tao sa karerahan. Naging
racing official pa si Armando Goyena
nung kapanahunan niya. Ang huling
pelikula ni Armando Goyena ay ang
Yamashita’s Treasure
na naging best picture ng Metro Manila
Film Festival.
Ang dating starlet na
si Aurora Sevilla ay nawili sa karera
nang regaluhan siya ng kabayong pangarera
ng isang pulitiko. Matagal ding naging
horse owner si Aurora at naging sikat
siya sa karerahan kahit sabihing hindi
naman gaanong magagaling ang mga kabayo
niyang sina Leeweng,
Au-au at Obsession.
Ngunit bigla siyang nawala sa eksena
nang mabalitang iniwan na siya ng
pulitiko.
Ang kabayong Dynamic
Dynah ay pag-aari ni Atty.
Narciso Morales na sunod sa pangalan
ng asawa niyang si Dinah Dominguez.
Ang magaling na singer na si Champagne
Morales ay anak nila.
Si Susan Henson ay dating
starlet na sumikat noong panahon ng
1980s. Hindi man siya horseowner pero
maituturing na konektado siya sa karera
dahil ang ama niyang si Maning Henson
ay isa sa pinakamagaling na horse
trainer bukod pa sa pagiging horseowner.
Ang half-brother ni Susan na si Ray
Henson ang kasalukuyang number 2 horse
trainer. Nabalitang balak magbalik
ni Susan sa pelikula nang umattend
siya sa nakaraang Luna Awards. Naghihintay
lang daw siya ng movie offer.
Sa pagbanggit ng Premiere
Productions ay siguradong papasok
sa isipan si Cirio Santiago, ang beteranong
director na may-ari ng nasabing movie
production outfit. Sa karerahan ay
kilala rin si Direk Cirio sa mga kabayo
niyang may Premiere ang pangalan gaya
ni Premiere Act na
tumakbo bago mag-Pasko at nakakuha
ng second place prize. Hindi namin
kumpirmado kung siya rin ang may-ari
ng mabilis na kabayong Director.
Ang Santa Ana Park sa
Makati ay ibinenta ng pamilyang Reyes
sa mga foreigners noong 1990s. Ang
dating presidente ng Santa Ana Park
na si Relly Reyes ay asawa ni Delia
Razon. Ang kapatid ni Relly na si
Boy Reyes ay dating asawa ni Baby
O’Brien at ama ni Rina Reyes
na dati ring starlet at isang magaling
na kontrabida.
Some of the celebrities
who enjoy (or enjoyed) the sport of
horseracing are Don Pepot, Mr. Shooli
(a.k.a. Jun Urbano) na dating horseowner
at may off-track betting station sa
Q.C., Jun Aristorenas, ang mga basketball
players na sina Bong Hawkins at Paolo
Mendoza. At syempre, hindi mawawala
sa usapan si Cong. Mikey Arroyo na
inaakalang horseowner din. Actually,
it was Mike, the elder Arroyo, who
used to own race horses under the
name of LTA Corp. Isa pang notable
personality sa horse racing si Jockey
Nicky. Anak-mayaman at tagapagmana
ng Jacinto Steel, si Nicanor Jacinto
III ay isang magaling na polo player
na sumubok ding maging hinete.
Marami pang samut saring
kuwento tungkol sa mga artista sa
karerahan ang matatagpuan sa forum
boards ng www.phf.com.ph,
ang nangungunang website ng mga horse
racing aficionados. Interesting ang
mga kuwento ayon sa salaysay ng mga
forum members na sina Tresoctavo,
Speculator 2006, ZygyZygy, Prince
CJ, Diego, Samahan Matibay, Tolits,
Nakapagtataka, Headwinn, Royal Lad,
Kennedy Point, Ernest Locco at Alasan.
Para sa mga reaksyon,
maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.