MGA
LUHAANG BITUIN
Ni Tess Clarin
Taliwas sa pangyayari
noong 2004 elections, ngayong 2007 ay
bumaha ng luha sa showbiz dahil sa pagkatalo
ng mga artistang kandidato.
Sino ang mag-aakala na malalaglag
sa Magic 12 sa lineup ng mga senators
si Tito Sotto na binigyan ng buong suporta
ng Eat Bulaga? And considering
his political infomercials na pinapelan
ni Vic at Joey pati na rin nina Jose at
Wally, parang tadhana na ang humatol sa
kanyang kandidatura.
Sino ang mag-iisip na sa
kabila ng controversial na paghabol sa
listahan ng Team Unity ay walang mangyayari
sa kandidatura ni Cesar Montano? Maugong
ang pangalan niya at talagang pinilit
siyang maisama sa ticket ng mga campaign
managers ng Team Unity dahil sa matunog
niyang pangalan. Pero wala ring nangyari
dahil malayo siya sa winning rank ng mga
senators.
At eto pa si Richard Gomez
na nag-akala yatang mabubuhat siya ng
kasikatan bilang artista ay nasa hulihan
ng mga kilalang kandidato. At ang tinatawag
na coup d’ grace ay si Victor Wood
na talagang nangulelat dahil pang-35 siya
sa 37 na kandidato. Ang tinalo niya ay
si Enciso (dating Makati councilor) at
si Cantal (na isang small-time producer).
Maraming dahilan ang ibinigay
ng mga political analyst sa pagkatalo
ng mga artista sa nakaraang senatorial
elections. Pero sa tingin ng mga tao sa
loob ng showbiz ay mukhang natuto na ang
mga botante. Ayaw na nila ng basta kasikatan
lang at marahil ay may katotohanan din
ang sinabi ni Richard Gomez na nadala
na ang mga tao sa artista dahil ang tatlong
artistang senador ay parang wala namang
nagawa sa senado. At siguro rin ay naintindihan
na ng mga botante ang trabaho ng isang
senador. Kaya naging tanong sa kanilang
isipan kung kayang gumawa ng batas nina
Richard Gomez, Cesar Montano at Victor
Wood.
Sa kaso ni Tito Sotto ay
para siyang naging balimbing sa paglipat
sa Team Unity. Kahit ano ang sabihin ay
iniwan niya ang dati niyang kampo at benefactor
na si Presidente Erap. Mas grabe si Tessie
Oreta dahil sa kanyang commercial na nagsisisi
siya sa pag-anib kay Presidente Erap.
Sabi ng iba, kiss of death ang ginawa
ni Tessie Oreta sa pagtakwil kay Erap.
Si Cesar Montano naman ay natangay ng
lumulubog na barko ni Presidente GMA.
Malaking sira rin ang track record ni
Cesar dahil marami siyang anak sa iba-ibang
babae at nakasuhan pa siya ng abandonment
ni Teresa Loyzaga. Wala tayong masasabi
kay Victor Wood dahil masakit mang aminin
ay laos na siya at konti na lang ang nakakakilala
sa kanya.
Hindi confined sa senatorial
candidates ang sentimiento ng mga botante
laban sa artista. Hindi inaasahan ang
pagkatalo ni Anjo Yllana dahil re-electionist
vice mayor siya sa Parañaque pero
inilampaso siya ni Gus Tambunting na isang
neophyte na maituturing. At binuhat rin
ng Eat Bulaga si Anjo.
Hindi kaya mahina na ang Eat Bulaga
sa mga tao?
Ganyan din ang kapalaran
ni Boyet De Leon sa kanyang pagkatalo.
Kahit hindi pa proklamado si Mark Leviste
dahil sa protesta ni Edwin Ermita ay wala
nang pag-asa si Boyet dahil napakalayo
ng kanyang nakuhang boto. Mukhang dumarating
talaga ang pagkalaos sooner or later.
Masakit din ang pagkatalo
ni Jestoni Alarcon bilang vice-governor.
Ipinakita ng mga taga-Rizal ang kanilang
talino nang pinili nila ang dating mayor
ng Antipolo na si Gatlabayan. Pero ang
pinupuri sa lahat ay ang mga botante ng
Pampanga dahil naipanalo nila si Fr. Ed
Panlilio bilang governor laban kay Lilia
Pineda at sa incumbent governor na si
Mark Lapid. Nakadagdag rin siguro sa pagkatalo
ni Mark Lapid ang intriga tungkol sa kanyang
asawang Koreana na meron siyang isang
anak daw.
Inaasahan na ng mga tao
ang pagkatalo ni Sen. Lito Lapid sa Makati
City. Sa dami ng aming tinanong bago mag-eleksyon,
ni isa mang taga-Makati ay walang nagsabing
may pag-asang manalo si Lito Lapid. Meron
pa ngang tsismis na 200 milyon pesos ang
ibinigay ng Malacañang para sa
campaign fund ni Sen. Lapid pero yung
kalahati lang ang nagastos. Kung totoo
man ito, so there, kaya siya natalo nang
walang kalaban-laban.
Maingay ang protesta ni
Nadia Montenegro sa pagkatalo niya bilang
congressman pero nananahimik naman ang
kanyang asawang si Boy Asistio. Sa huling
interview ni Congressman Baby Asistio,
tinanggap niya ang pagkatalo kay Recom
Echeverri bilang mayor ng Caloocan pero
hindi niya napigilang sabihin na isang
dahilan ng kanyang pagkatalo ay ang pagtakbo
ng kapatid niyang si Boy. Hindi rin masagot
ni Baby Asistio kung totoo ang balita
na binigyan daw ni Mayor Recom ng 30 milyon
si Boy para manggulo sa kandidatura niya
(Baby).
Isang nakakagulat na pagkabigo
ay ang pagkatalo ni Bebong Muñoz,
ang boyfriend ni Jolina Magdangal na tumakbong
Congressman sa Quezon City. Alam ng lahat
kung gaano katindi ang pagkampanya ni
Jolens pero wala ring nangyari. Same fate
si Gary Estrada sa San Antonio, Quezon
province. Pangalawang pagkatalo niya sa
pagtakbo bilang mayor ng nasabing town.
Ang pinaka-popular sa lahat
ng luhaan ay si Manny Pacquiao. Kahit
sabihing inaasahan na ang kanyang pagkatalo
ay halos magtalunan pa rin sa tuwa ang
mga fans niya nang tambakan siya ng boto
ni Congresswoman Darlene Antonino-Custodio.
Sabi ng mga political analyst ay acid
test daw si Pacman sa mga botante. Kung
mananalo siya ay patunay ng katangahan
ng mga botante at ang pagkatalo niya ay
patotoo ng katalinuhan. Hindi nga ba’t
wala namang pinag-aralan si Pacquiao?
Napakasakit daw isipin na ang mga makakasama
ni Pacquiao sa congress ay mga edukadong
tao at may laman ang ulo.
Sa kabilang banda, ang mga
nakangiting bituin ay pinangungunahan
ni governor-elect Vilma Santos ng Batangas.
Masyadong malaki ang nakuhang boto ni
Ate Vi kaya hindi makuhang mag-protesta
ng dating governor na si Armand Sanchez.
Puwedeng sabihin na hindi lang kasikatan
ang nagpanalo kay Ate Vi kundi ang kanyang
magandang track record bilang mayor ng
Lipa City for 9 years.
Syempre walang duda ang
reelection ni Bistek. Last term na ni
Herbert Bautista bilang vice mayor ng
Quezon City at inaasahang siya ang tatakbong
mayor sa susunod na election. Kasama ni
Herbert na nakangiti ang mga councilors
na sina Aiko Melendez at si Marjorie Barretto.
Hindi man artista ay puwede
na ring ibilang si Jun-Jun Ynares na nagwaging
governor ng Rizal dahil asawa siya ni
Andrea Bautista, ang nakababatang kapatid
ni Sen. Bong Revilla. Si Strike Revilla
na kapatid ni Sen. Bong ay tagumpay rin,
siya na ang bagong mayor ng Bacoor.
Sa banggaan ng mga artista
sa pagiging vice-mayor ng Maynila ay sinuwerte
si Isko Moreno. Maayos namang tinanggap
ni Cita Astals at Robert Ortega ang kanilang
pagkatalo. Pero hindi inaasahan na tatalunin
ni Isko si Don Bagatsing na running mate
ni Ali Atienza. Ang sabi ng mga taga-Tondo
ay nakikita raw nila ang pagkilos ni Isko
nung siya ay konsehal pa.
Sa Parañaque naman
ay nakangiti si Alma Moreno at Roselle
Nava, ang mga bagong councilors. Sa Bataan
ay naka-landslide si Teri Onor, siya na
ang bagong vice-mayor ng Abucay at ang
mayor naman daw ay lola niya.
Lastly, another aspiring
councilor sa city of Manila ay si Amay
Bisaya. As of the latest, may pag-asa
pa raw siyang manalo dahil konti lang
ang lamang sa kanya ng number 6 sa kanilang
district (Tondo). Pero ang sabi ni Amay
ay wala raw siyang perang nagamit sa campaign
kaya siya natalo… kung sakali ngang
matatalo siya pagkatapos ng bilangan.
Ang election ngayong taon
ay palatandaan ng pagbabago tungo sa ating
demokrasya. Tapos na siguro ang era ng
kalokohang kandidato at sana nga ay puro
matitinong tao ang ilagay natin sa puwesto
sa mga darating pang eleksyon.
Para sa mga reaksyon,
maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.