FPJ - Ang Puso ng Masa

 
  Ni Serge R. Custodio, Jr.  
 

 

 
 

Biglang laho ang liwanag, madla'ng bayan ay nasindak;
Nagtatanong ng “bakit ba? ng Paano? napahamak? ”
Nagdarasal itong masa, sa Maykapal tumatawag
“Ihandog po yang buhay, at kay daming umiiyak!”

Nang bumagsak ang katawan ng idolong hinangaan,
Itong masa nagsiluhod, nanalangin sa Maykapal.
“Panginoon, huwag pong kunin ang puso na mapagmahal;
Bayan itong tumatanggap ng paglingap na lubusan.”

Si FPJ ay puso at tibok ng industriya,
Pelikulang dunudumog na libanagan nitong masa.
Ilang ulit na bang bagsak pangunahing ubod saya,
Ilang ulit binangon ng hari ng Pelikula?

Matulungin, mapagmahal, at diwa na gumagalang;
Karapatan nitong tao, kumita ng hanapbuhay.
Tinatanggap, kahit sino, basta puso ay dalisay;
Kadugo kang haharapin, pagkat ikaw' ay kapantay!

Mula ANAK NI PALARIS, tungong CAIN AT LOW WAIST GANG;
ESKRIMADOR niyang MAESTRO, ASEDILLO'ng makabayan,
Naging bagsik ng KAMAO, baril, cowboy at PANDAY man,
Si FPJ ang nagbangon sa nanlumong kalakalan,

Palibhasa'y nasa puso, ang layuning makatulong;
Di nagkait iyang langit sa biyaya na daluyong.
Pagmamahal sa pamilya gayundin po ang himatong;
Mamamayan nang humiling, kanya rin po na tinugon.

Puting tabing itinabi, pulitika ang hinarap;
Taong bayan nangaglambing, paglingkuran ng paglingap.
Walang iling na tinupad, inihandog na pangarap;
Nabigo man sa adhika at damdaming napasadlak.

Nangarap siyang makatulong pangarap niya ay ninakaw;
Bayan itong iaangat, kinontra ng mga hangal!
Mahihirap umaasa sa pagsulong makakamtan.
Marurunong nagsisikilos, nandaya na sa halalan.

Pelikula ang bumuo, katauhang hinangaan;
Pulitika ang sumira, winasak at niyurakan.
Pelikula ang naghandog at FPJ ay tinanghal;
Pulitika ang umiwas sa paghandog ng parangal!

Limang dekada at mahigit, naglingkod sa puting tabing;
Ang angkan po ni FPJ sa bayan ‘ta ay umaliw.
Taumbayang tinangkilik sa paghangang gumigiliw,
Pulitika ang yumurak at tabing ay pinagdilim.

Timbangan bang edukasyon sa layuning paglilingkod?
Bakit mayroong edukado, kulang naman sa pag-irog?
Sawimpalad na FPJ di binigyan ng pagsubok;
Takot ba ang mga graduates ng USA na malugmok?

Bakit kaya at mayroong mga taong walang budhi?
Hindi na nga naki-angat, may tadyak pa itong lipi?
Si FPJ, tumutulong, may kumontra't nag-aglahi,
Sa halip na magpagaan, may buwis pang hinihingi.

Si FPJ ang sagisag ng inaaping mahihirap;
Sa simula binubugbog sa wakas ay may liwanag.
Sinag siya ng adhika ng nagdahop sa paglingap;
Kaya siyang naghahari sa pag-asa na pangarap.

Biglang laho iyang sinag ng koronang nagniningning;
Buong bayan ang lumuha may pighating kinapiling.
Kaibigan at huwaran ang hari na matulungin;
Mayron kaya'ng sa trono niya, dapat lamang na umangkin?

 
     
     
 
« BACK
 
     
 
 
     
Copyright © 2004 by Film Academy of the Philippines (FAP). All Rights Reserved