Nakawan ka na ng lahat ng yaman mo at hindi gaanong masakit yun…
subalit, ang nakawan ka ng iyong pangarap ay lubhang mahapdi. SUSAN ROCES
Tag-init 1955, kaga-graduate ko lang ng high school noon nang sanayin ako ng aking ama (Serge Sr.) na mas kilala sa tawag na Datu Seroy, na isang stillman sa ating industriyang pelikulang Pilipino noon, bilang messenger niya at delivery boy ng kanyang mga pinapadevelop at pinapakopyang still pictures ng pelikula paroot-parito sa Kodak Philippines, ng Botica Boie sa Escolta. Ang mga larawan ding iyon na pawang mga 8x10 ang aking mga dinadala sa mga sinehan sa loob ng Maynila para idespley sa mga madlang manonood.
Shooting noon ang ANAK NI PALARIS kung saan ay bida si Fernando Poe, Jr. na katambal si Rosita Noble na kinunan sa loob ng compound ng Royal Productions. Nilapitan ako ni papa at itinuro sa akin ang isang mestisong amerikanong kinse anyos na binatilyo na nakaupo sa isang tabi, walang kibo at nagsasaulo ng kanyang mga diyalogo. Tahimik lamang siya at walang kausap na sadya yatang ganoon na kahit na ninanais ang mag-isa at tahimik .
“Yan ang Fernando Poe Jr.” bulong sa akin ni Papa. Nang tumayo ang binatilyong iyon ay sinadya ko pang nilapitan at tinantiya ang tangkad nito. Matangkad siya at nagmistula akong pandak, samantalang matanda ako sa kanya ng isang taon.
Hindi ko siya nakita sa set noong ginagawa pa ng kanyang ama ang orihinal na DARNA kung saan ay pinagbidahan iyon ni ROSA DEL ROSARIO at si CHRISTINA ARAGON ang lumabas na Valentina na may buhok na puro ahas.
Si papa ang hinirang ni Fernando Poe, Sr. na mamuno sa panghuhuli ng may 2,500 mahigit na ibat-ibang uri ng mga ahas. Mula sa maliit hanggang sa pinakamalaki na umabot sila sa bundok ng Sierra Madre. Kilalang “Snake Charmer” si Papa noon . Siya ang tawak ni Mr. Poe at nakakatuwaan ding manghihilot ng pilay, palmist, singer musician ng kanilang samahan, liban pa sa kanilang pagiging stillman ng production.
Ang alaga kong ahas na si “Silver” na tinaguriang wonder snake ang siyang pangunahing sawa na nakilala si ANTOK sa pelikulang DARNA. Ang sawa rin naming ito ang ginamit sa Pelikulang SAWA SA LUMANG SIMBORYO na pinagbidahan ni Jose Padilla, Jr. na pinamahalaan ng Premier Productions.
Hindi naglaon, nilisan ni Papa ang industriyang ito at nagpasiya na siyang manirahan sa kanyang lupang tinubuan sa lalawigan ng Surigao del Norte. Doon siya nagtayo ng Portrait Studio na pinangalan niya sa aming nag-iisang kapatid na babae na Luzviminda Studio.
Sumapi ako sa SOS (Sons of Stunts) sa pamamahala ni Ric Bustamante na sa panahong iyon ay lumilikha na rin nga pangalan si FPJ sa serye ng Low Waist Gang at ang pelikulang maaksyon na cowboys.
Muli akong naakit ng college at nagbalik ako sa pag-aaral noong taong 1960. Ang panahong ito ay naging malaking hamon sa lokal nating industriya dahil sa pananakot at pagsasamantala ng kilabot na BIG FOUR. Nakita ko ang tapang ni FPJ, Joseph Estrada at sampu ng kanilang mga kasamahan buong tatag na ipinagtanggol ang mga artistang Pilipino. Ang kaligtasaan nila at ng mga kapuwa alagad ng sining na ito. Hindi rin ako malayo sa pagsubaybay sa mga kaganapang bumabalot s ating industriya.
Taong 1964, nang maitatag ng aming samahan ang PNCABC na naghahandog ng scholarship sa mga poor but deserving students ng Philippine Normal College. Ang pelikulang perlas ng Silangan nina FPJ at Susan Roses ang aming ginamit na fund raising ng samahan para mapanatili ang pondo ng aming brotherhood.
Taong 1969 nang ipasya kong isulat ang aking thesis sa pangarap kong Master Degree sa Normal College . Pinangarap kong isulat ang simulain at pagbuo ng SCREENPLAY sa pelikula, dahil ito ay bahagi ng aking pagpapakadalubhasa sa panitikan o literatura.
Matatag na noon ang FPJ productions at kinikilala nang isa sa mga haliging industriya. Lakas-loob akong nakipagkita kay FPJ at isinangguni ko ang aking layunin. “Erap” aniya sa akin. “Makipagkita ka kay Fred Navarro at iyan ang nakapagtuturo sa iyo ng pagsulat ng iskrip.” Sinunod ko siya. Buong tiyaga kong pinupuntahan si Mang Fred sa tuwing may oras at panahon ako para matuto magsulat ng Dulang pampelikula. Nakipagkwentuhan, eka nga, at sadya namang pinagtiisan kong makisalamuha sa mga mandudula na kasamahan nito.
Makaraan ang ilang buwan ay muli kaming magkaharap ni FPJ. “O ano erap Ayos ba ang thesis mo?” tanong niya sa akin. “Boss, tinuruan niya akong manigarilyo at uminom ng beer. Hindi screenplay.” sagot ko. Inihit ng katatawa si FPJ. Kitang-kita ko ang tuwa sa kanyang katauhan. Humagapalpak ng katatawa. Kiliting-kiliti siya subalit naroroon pa rin sa kanyang pagkatao ang kagalang-galang na pagkilos at pakikiharap.
Naging masining at makulay ang kasaysayan ng pelikulang Pilipino nang ibaba ng dating pangulong Ferdinand E.Marcos ang Martial Law. Taon 1975 nang isa ako sa nahirang ng Unang Ginang Imelda Marcos na dumalo sa Screenplay writing, directing, na seminar-workshop na inahandog ni G. Ben Pinga sa LVN. At sa sunod-sunod kong pagdalo sa mga pag-aaral ng dula na ito ay natamo ko rin ang kaalaman sa sining na ito gawa ng mga naibahagi sa akin ng mga bantog na manunulat tulad nina G. Lamberto Avellana, Eddie Romero, Orlando Nadres, at marami pang iba. Naging daan din ito upang maanyayahan akong maging house writer ng Mindanao Films ni Engr. Adeliio Cruz, na nagpasikat kay Mohamad Fazal. Nang itatag ang SGP ay naging kasapi na rin ako, na kasunod na ang pagsapi sa Mowelfund.
Naging abala ako sa mga sunod-sunod na proyektong iniatang sa kakayahan ko. Naging kasapi na rin akon sa electroral college na pinamumunuan ng Film Academy of the Philippines . Muli kaming nagkita ng Hari ng Pelikulang Pilipino. “Minsan erap,” wika niya sa akin. “Magkita-kita tayo ng mga kaibigan natin, yung mga may edad na ring katulad natin, tapos magkainan at inuman tayo, isasara natin ang restaurant ha?” “okey” wika ko.
Hindi natupad ang pangarap niyang iyon, kasi naging abala na siya sa mga proyektong kinakaharap niya. At nagkikita na lamang kami kapag dumadalo siya sa mga awards nights. At hindi siya nakakalimot maghandog ng pamasko sa mga maliliit na manggagawa sa industriya kapag sumapit ang ganitong pagkakataon. Saksi ako sa mga kabaitan niya at bukal sa pusong pagtulong.
Nang sumapit ang bagong milenyo, ipinatawag nya ako at nagkita kami sa isang kilalang restoran sa Annapolis St. , sa Greenhills, San Juan . “Erap, may historical screenplay ka raw?” aniya. “Yes boss, tamang-tama ito sa iyo,” sagot ko. “Tungkol sa ano yan?” Simula ko, “Sa pagkakaimbento ng Caliber 45. Do you know that Caliber 45 was intentionally invented by America to kill the Filipino? It was called then, Man Stopper.” Tanong niya sa akin, “Ha? How is that?” “Totoo boss!” diin ko. “Noong panahon ng pananakop ng Amerikano sa ating bansa, hindi nila magapi-gapi ang mga mandirigmang Muslim sa Mindanao . Hindi kasi pinapansin ng mga huramentados ng Lanao ang caliber 38 noon . Mga mandirigmang nakabalot ng mga yantok, hawak ang mga kris at kampilan na dumadaluhong ng by the thousand tungo sa mga kinaroroonan ng mga kawal ng Amerikano. Kahit panay ang tama na nng mga bala ng 38 ay tuloy-tuloy pa ring tumatakbo at tumataga sa mga sundalong blue coats na pinamumunuan ni Gen. Blackjack Pershing.” Aniya, “Talaga ha? Maganda! Ano ang title mo Erap?” Sagot ko, “The sultan and the General.” Tanong niya, “Sino yung Sultan Erap? Kung ako yun erap, alisin mo yung salitang General, matratabunan ako Erap.” Nagkatawanan kami. “Ano ang ipapalit ko boss?” Sagot niya, “Sultang Mandirigma Erap. Ako yun!”
Inihanda ko ang lahat. Nag-research ako, nagbasa ng mga history book at pilit kong inunawa yung salita niyang huli “yung may puso” na bawat sequences ay tila hamon sa akin na lagyan ng “puso.” Laking gulat ko nang marinig ko at makita sa T.V. set na tinanggap niya ang hinaing ng bayan na maglilingkod siya sa bansa bilang pulitiko. Gayunpaman ay lihim akong kumilos, hindi man niya alam ay nabuo ko ang pangkat na tinagurian naming Text Brigade sa pamamagitan ng cell phones, mga letter brigade na ipinadadala sa mga kaibigan at mga kaanak, sa ibat-ibang dako ng bansa.
Nadama ko ang paninira ng kanyang mga kalaban. Lasap na lasap ko ang kanyang pagkaapi. Minsan nga noon narinig ko sa umpukan ang kanyang tinig na nagpapaalala sa mga taga industriya. Wika niya “Kung wala rin lang kayong sasabihing maganda sa inyong kapuwa, mabuti pa isara na lang ninyo ang mga bibig.” Ayaw na ayaw niyang nakakarinig ng mga paninira sa mga artista. Nagagalit siya.
Hindi man niya natupad ang pangakong pagtulong sa mga minamahal niyang mamamayanng Pilipino na maihandog ang maningning na bagong umaga ay buong puso pa rin siyang bukas palad na tumulong sa mga kulang palad. Nang manalanta ang walang awang mga bagyong Unding, Violeta, Winnie at Yoyong na pumaslang ng libo-libong buhay sa Quezon, Aurora, Nueva Ecija at Rizal hindi nag-atubili si Da King na maghandog ng tulong, hindi na niya kinailangan pa ang mga funfare ng Radyo, TV at pahayagan. Hindi niya kinailangan ang Tri Media na mangangalandakan sa kanyang pagkabayani. Ang pagmamalasakit niya ay taos-pusong paghahandog ng ayuda na buhat sa kaibuturan ng kanayang puso. Walang pagyayabang, walang pananalita, bagkus ay kilos at gawa kaagad. Hindi siya nagpakita ng sama ng loob, ng inis, o galit, kahit pa niyurakan ang kanyang pagkatao. Hindi siya naghandog ng sama ng loob sa kahit kaninong tao, basta nasa puso niya ang pangarap na paglingkuran ang sambayanang Pilipino bilang pangulo ng Pilipinas.
Subalit hindi natupad ang pangarap na iyon. Hindi naganap nang lubusan. Ninakawan po siya ng pangarap, mapait at mahapding bunga ng pagnanakaw. Kasaysayan na lamang ang nakababatid. Yes ! History shall expose it sooner or later.
Isa ako sa milyun-milyong mamamayang Pilipino ang nasindak nang nabalitaan naming naospital si FPJ noong Disyembre 11, 2004 na diumano ay nagsikip ang dibdib. Tulad ng marami…”Ang lakas niya, ang lusog-lusog, ang ganda ng pangangatawan. Paanong nangyari iyon?”
At humagupit ang malupit na tadhana. Pumanaw si Da King noong Disyembre 14, 2004 sa ganap na alas dose-uno. Opo, number one pa rin ang napili nito. Number one siya sa puso ng mamamayang nagmamahal sa kanya. Lumuha ang sambayanan, ang buong Pilipinas. Napuno ang lansangan ng Arlington , Pasig City . At higit na nagkatrapiko ang harap ng Sto. Domingo, sa Quezon City nang ilipat ang burol niya dito.
Hindi ko po naiwasan ang pagluha at makiiyak sa bayang naghihinagpis. Kahit makita ko lang sa TV screen ang mga taong nagpapalahaw ng iyak, sumasakit po ang aking dibdib. “Damang-dama ko ang inyong kalungkutan at pagluluksa” wika ni Gng. Susan Roces Poe. “Mahirap naghandog ng salita sa isang taong dakila,” wika ng kaibigan kong si Pablo Gomez na pangulo ng SGP.
Hindi magkamayaw ang mga sambayanang nagmahal kay FPJ nang ihatid sa huling hantungan. Milyun-milyong tao ang nakipaglibing . Milyon-milyong mga kababayan ang maglabasan sa kani-kanilang tahanan at pumila sa bangketa at daan para ihandog ang kanilang huling pananaw sa kahimat kabaong na lamang ang kanilang mamasdan na hila ng isang puting kabayo, mula Sto. Domingo church tungo sa España Blvd , kumanan sa Lacson Ave. , kumanan sa Dimasalang St. , hanggang sa pagpasok sa North Cemetery .
Noong huling nagkausap kami, naitanong ko sa kanya na ang libo-libong mga ahas na ginamit ng kanyang ama sa pelikulang DARNA. “Ang alam ko Erap” wika niya, “Pinamigay ni Daddy sa mga universities and colleges para maging preserved sa mga bote ng gamot. Parang yung mga nasa UP, FEU, UST at iba pa.” Aniko, “Yung Monumento niya mananatiling buhay. Kasi siya yung oblation ng U.P.”
Hall of Famer si FPJ sa FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences, Inc) sa mga sumusunod na pelikula. Siya ang Best Actor sa Muslim Magnum.357 noong 1986; Umpisahan mo, Tatapusin ko noong 1983; Durugin si Totoy Bato noong 1979 ; Asedillo noong 1971; at Mga Alabok sa Lupa noong 1967. Best Picture ang kanyang Ang Padrino noong 1984, Mga Anghel na walang Langit noong 1970, Sigaw ng Digmaan noong 1963. Best Director din siya sa Ang Padrino bilang Ronwaldo Reyes 1984 ; Kahit Butas ng Karayom as Ronwaldo Reyes,1995. FAMAS Lifetime Achivement Award recipient din si FPJ noong taong 1999 at 2000 at FAMAS Presidential awardee noong 1996.
“Erap mas maraming ahas sa pulitika at mga taong gobyerno.” Nagkatawanan kami. Kakaiba siya tumawa at ngumiti. Madadala ka ng kanyang karisma at paggalang. Pantay-pantay tumingin sa kapuwa-tao niya. Pareho ang pagkain ng extra hanggang sa pinakamalaking artista. Mahal niya ang bayan, mahal niya ang lahing Pilipino. Alam niya sng kakayahan ng ahas, pero malaking panghihinayang sa akin na hindi siya nakailag sa mga kamandag ng mga taong pulitiko.
Yes ! DA KING IS DEAD ! But he shall remain alive forever in the hearts of peace loving Filipinos. Great men never die, they just fade away. LONG LIVE DA KING !
- - - - - -
Si SERGE R. CUSTODIO, JR. ay ang kasalukuyang Chairman ng SGP Board. Isa siyang multi-awarded writer; Best Screenplay ng FAP 1988 sa pelikulang LORENZO RUIZ, the Saint … A Filipino; NCCA Literary Prize Contest sa Novela niyang TARI, 1998; Retired teacher – playwright – director at iba pa.